Welcome Message (LELS)

“Binigyan tayo ng karapatan ng Konstitusyon at ng iba’t ibang internasyonal na kumbensyon na maipahayag ang ating mga sarili sa paraang nais natin at kung saan komportable tayo. Biniyayaan tayo ng utak upang makapag-isip, ng bibig upang makapagsalita, at ng mga kamay upang makapagtipa; maliban sa mga ito’y binigyan tayo ng tenga upang makinig, ng mga mata upang makapansin, at ng puso upang makaunawa. Sa ganitong ethic ako nagpa-function sa blogosperyo….”

Basahin ang buong akda!

Uy, Kamusta Na?

Siguro’y maraming magsasabing kapag ang isa sa ati’y hindi na nakapagsulat ng isang akda ay nakalimot na, o naging abala sa kanyang buhay, o may iba nang prayoridad. Sa karamiha’y hindi naman iyon pa mapagkakaila.

 Lahat tayo’y may buhay sa labas ng blogosperyo.

Ilang beses ko ding nababasa sa ilang mga akda nitong mga nakaraang buwan ang ideyang hindi dapat nawawalan ng puwang ang pagsusulat sa iyong buhay, na dapat, hindi mo ito pinapabayaang namamatay o hindi mo dapat hinahayaang maubos ang mga ideya.

 Kaya dapat ay sumulat nang sumulat nang sumulat.

Kapatid, sa mundong ito, sadyang may mga bagay na mas mahalaga kaysa umupo sa harap ng isang kompyuter upang makapagtipa ng isang akda. Ito ding mga bagay na ito ang buburyo at tatatak sa utak mo na kahit gaano mo piliti’y hindi magiging sapat ang mga salita upang ilarawan at gawing buhay sa isang panulat.

Ang pagsusulat ay hindi basta-basta para sa akin. Noon, oo, na kahit anong maisip ay agad na ititipa at ipapaskil. Pero ngayo’y hindi na siguro. Ang mga salita ay nagtila luho na. Ang mga istorya ay nanatiling iginagapos ang aking mga daliri. Parang presong kulong sa kanyang sariling kadiliman at ang mga salita ay nasa baywang ng pulis sa labas ng kosa. Salitang mga susi upang makalaya.

Naging bakante ang parehas kong lungga sa napakatagal na panahon. At kung siguro’y nabasa mo o nabalikan mo ang aking huling mga panulat ay maiinitindihan mo kapag sinabi ko sayong sa bawat akda, ako’y naiiiwang nauupos, nanghihina, halos namamatay. Na malaking pagbubuwis para sa akin ang hugutin palabas ang mga istorya, ang mga imahe, ang mga pakiramdam, at pilit na ilagay ito sa mga salita.

Hindi ko pinanghihinayangang gawin ang sabi ko nga’y buwis-buhay na pagsusulat. Di rin naman ako mahusay upang maipagmalaking pang-patimpalak na ang aking mga nagawa. Hindi ako umaabot sa lebel na yon. Ngunit para sa katiting kong puso at ga-munggong isipan, ang paglalarawan ng katotohanan na hawak ko sa aking mga palad ay napakalaking bagay. Katotohanang dapat ibahagi, at ilatag sa inyong mga mata at isipan upang kahit papaano’y madala ko rin kayo sa katotohanang iyon.

Hindi ko alam kung nagagawa ko nga, ngunit patuloy akong nawawala at sumusulpot muli kapag naghilom na ang sugat ng huling nagawang akda.

Sabi ko nga’y masarap kuskusin ang mga sugat ng iyong pagkatao at ng iyong isipan, dahil sa mga ito’y may mahahanap kang dugo na magpapatunay na ikaw ay buhay.

Bihira akong makapagsulat ng mga akda. Ngunit siguro’y maipapangako kong ang ilalahad ko ay magiging bunga ng panahong nawala ako. At lahat iyo’y aagos patungo sa’yo sa mga salitang akin mang hiniram ay sinubukang gawing totoo para sa’yo.

Nakakaranas ka din ba ng ganito? Ano ang mga istorya o akdang nahihirapan kang isulat?

Nakatitig kong kinakabisado ang mga duming nakasiksik sa gilid ng aking mga kuko sa paa, sa puting linyang-tsinelas na dulot ng pagkasunog ng aking balat.

Napakahabang lakaran. Masukal na daanan.

Butil-butil ng lupa at alikabok na iniikot ng hangin sa aking mga binti at talampakan.

Gumuguhit ako ng mga bilog gamit ang aking maduming tsinelas sa asul na karpet. Gumawi ang aking tingin sa pares ng paa sa aking harapan.

Havianas. Hot red nail polish. Bagong foot spa.

(SA ILALIM NG ARAW. Basahin ang kabuuan ng akda dito)

Magdiwang, kaibigan. Ilabas na ang inumin diyan, at samahan niyo akong pagnilay-nilayan ang Sa Ilalim ng Araw.